Sinubok naming lumikha sa wikang katutubo — sa wikang nararapat at itinadhanang yariin upang mahubog at mapagyaman ang Lahing Kayumanggi. Sinubok naming ipinta ang kulay ng buhay gamit ang maramot na tinta ng pluma; ikinintal ang panaka-naka’y mailap na bugso ng damdamin; hulihin at ikahon sa parisukat na dahon ang mga salitang nagniningas, nagpupumilit pumainlang sa aming balintataw.
Yamang hindi kami dalubhasa, ang bawat pagsubok ay nawawangis sa isang batong inihagis pataas upang bumulusok lamang sa burak.
Hindi matatantya ang hirap magsulat sa ating Wikang Pambansa — ang magamit ito ng puro at walang bahid ng kung anumang dilang banyaga. Hindi biro ang pagbigkas sa isang wikang binulaklakan ng talinghaga at inanod sa kagandahan. Kawangis ng gintong ikinahihiyang haplusin ng isang hamak na pulubi, hindi madaling gamitin ang Wikang Filipino - ang Wika ng mga Makata.




0 replies:
Post a Comment